Wednesday, September 29, 2010

Tulagalag: Ang Smiley

Ang Smiley

Nabasa ko kung saan na:
“A smile is a curved line
that sets things straight.”

Dalawang tuldok na nagsisilbing mata,
at isang kurbadang nakaguhit, bilang labi,
sa loob ng dilaw na bilog

ang tinubuan ng katawang-lupa
at 3D na mukhang
may apat na matang bulag

at isang bungangang nag-islogan:
“Kung walang kurap, walang mahirap,
Pagbabago, for Ma and Pa, Now na,

Tama na’ng Mendiola Massacre intriga,
Let’s forget Hacienda Luisita,
Basta, I’ll do something ‘bout Gloria.”

Ngiti nang ngiti sa Kapamilyang umawit:
“P-N-O-Y means smile!” kahit na
napagkamalang siraulo ang kandidato nilang

nanalo. Naging bituin sa takilya:
ultimo pagkain ng hotdog ng may hotdog
ay itinuring na pangunahing balita.

Nasa sariling wika ang unang SONA
ng napakamakabayang Smiley,
na minalaki ng Kapamilyang umawit,

at ng iba pang nananalig sa liwanag
ng dilaw na haring palaging nakangiti
sa gitna ng anumang pagsubok,

o itinuturing niyang pagsubok bagamat
malinaw namang kapalpakan sa pamumuno.
Ngisi, kung hindi hilik, ang naging tugon niya

sa nagpoprotestang mga estudyanteng hindi makapag-aral,
sa nakikibakang mga magsasakang walang lupang mabungkal,
sa mga manggagawang pinapaslang ng neoliberal

na mga polisiyang pinatutupad niya, nang may ngiti.
Ganito niya rin itinuring ang karumaldumal na
hostage crisis sa Quirino Grandstand,

kaya’t nagngalit ang mga instik
sa mga migranteng nasa kanilang poder
dahil walang disenteng trabaho sa bayan

Ni Smiley na nanawagang: “Huwag nang magsisihan,
Mga kapwa Pilipino. At pakinggan natin ang isa’t isa
nang malutas natin ang ating mga problema.”

Pero si Smiley itong hindi nakikinig.
Bakit? Ganito. Pansining mabuti: Walang tainga
ang mga smiley. Wala sila kundi

dalawang tuldok lang na nagsisilbing mata,
at isang kurbadang nakaguhit, bilang labi,
sa loob ng dilaw na bilog.

Narinig ko sa isang banda:
“If ignorance is bliss,
then knock the smile off my face.”





Monday, June 14, 2010

“The Ramones Vs. The Police*”


andito ang installation art.
andito ang imbitasyon sa factsheet43 exhibit sa june 24.
andito sa post na ito ang teksto.
----------------------------------------------------------

The Ramones Vs. The Police*”


One Two
Four Three!

Mainam na alam nyo ang gusto,
Pero hindi ko maibibigay
Walang aamining maski ano,
walang aamining maski ano,
walang aamining maski ano.


Sanlaksang paratang, umaandar sa utak ko,
Sangkatutak na paratang, nakakasira ng ulo.
Sanlaksang paratang, umaandar sa utak ko,
Sangkatutak na paratang, nakakasira ng ulo.

Tiyak akong NPA ka,
Huwag nang tangkaing ipagkaila.
Pag di ka umamin,
Itutulak ka namin sa bangin.

Mainam na alam nyo ang gusto,
Pero hindi ko maibibigay
Walang aamining maski ano,
walang aamining maski ano,
walang aamining maski ano.


Puminsala, Magsiyasat
Hanggang dumanak ang ugat
At putukan ng iyong dugo
ang kamao naming lahat.

Sanlaksang paratang, umaandar sa utak ko,
Sangkatutak na paratang, nakakasira ng ulo.
Sanlaksang paratang, umaandar sa utak ko,
Sangkatutak na paratang, nakakasira ng ulo.

Healthworkers nga kami,
may stethoscope, walang baril.
Bat pag 'mali' ang sagot, may dagdag nang bugbog ang tanong?
Walang aamining maski ano,
walang aamining maski ano,
walang aamining maski ano.


Sanlaksang paratang, umaandar sa utak ko,
Sangkatutak na paratang, nakakasira ng ulo.
Sanlaksang paratang, umaandar sa utak ko,
Sangkatutak na paratang, nakakasira ng ulo.

Sanlaksang paratang, umaandar sa utak ko,
Sangkatutak na paratang, nakakasira ng ulo.
Sanlaksang paratang, umaandar sa utak ko,
Sangkatutak na paratang, nakakasira ng ulo.

Mainam na alam nyo ang gusto,
Pero hindi ko maibibigay
Walang aamining maski ano,
walang aamining maski ano,
walang aamining maski ano.


Tiyak akong NPA ka,
Huwag nang tangkaing ipagkaila.
Pag di ka umamin,
Itutulak ka namin sa bangin.

Puminsala, Magsiyasat
Hanggang dumanak ang ugat
At putukan ng iyong dugo
ang kamao naming lahat.

Hindi kami NPA,
wala ring kilalang Mario Conde.
Bat pag 'mali' ang sagot,
may dagdag nang bugbog ang tanong?
Walang aamining maski ano,
walang aamining maski ano,
walang aamining maski ano.


Sanlaksang paratang, umaandar sa utak ko,
Sangkatutak na paratang, nakakasira ng ulo.
Sanlaksang paratang, umaandar sa utak ko,
Sangkatutak na paratang, nakakasira ng ulo.

Walang aamining maski ano,
walang aamining maski ano,
walang aamining maski ano.
Walang aamining maski ano,
walang aamining maski ano,
walang aamining maski ano.


--------------------------------

*(Isang Pagsasalin / Adaptasyon ng “I Can’t Give You Anything” ng The Ramones at “Too Much Information” ng The Police, Alay kay Ramon dela Cruz ng Morong 43. Nasa installation art ito ng mga cassette tape, tulad ng C Program na nasa installation art ng mga diskette.)

Wednesday, November 4, 2009

Lilim

Sa tuwing hinahagupit ng sampal
ng itinuturing kong langit,
sa iyo lamang ako sumasandig
kahit wala ka namang balikat,
o anumang buto't laman.

Nakikipagniig sa iyo sa aking pagpikit,
hanggang mahigpit akong maikandado
ng mga bisig mong sinlamig ng simoy ng hangin
sa sementeryo mong tahanang
walang nakatanglaw na liwanag.

Nagdirilim ang nagdedeliryo kong paningin,
hindi dulot ng panggagalaiti,
kundi dahil bitbit mo ang aking gunita
sa kalawakang walang hanggan ang paglawak,

kung saan walang anumang pasanin,
kung saan lumulutang maging ang mga pabigat
na biyaya ng itinuturing kong langit

na nandidilat sa panggigising sa akin,
at muli akong inaakit at hinahablot
mula sa mapagkalingang yapos
ng lilim na umiibig sa akin.

Saturday, October 31, 2009

Maharet*

Binalutan ng anino
Ang patay na rosas na inugatan na sa aking dibdib.
Matagal nang naagnas at nabulok
Ngunit mahigpit pa rin ang kapit.

Tinangkang bunutin ng kamay ng kadiliman
Ang itim na talulot na nakatanim
Ubos-lakas itong hinila ng anino
At muling nakaramdam ang lupang manhid.

Walang malay sa naganap
Ang nagbigay-lilim sa bulaklak,
Dahil walang laman ang sisidlan ng kanyang mga matang nagtatago
Sa likod ng antiparang nakalapat sa kulay marmol na balat
Ng mukhang walang bakas ng edad.

Isa siyang maputlang nilalang
Na tila walang buhay
At ang pulang buhok lamang ang dinadaluyan ng dugo,
Dugong nais kong ipainom niya sa akin
Matapos niyang tuyuin ang aking mga ugat.

Ito lang ang paraan
Upang makamit ang habambuhay na sumpa
Kasama siya
At makawala sa pagkakagapos
Ng patay na rosas
Na binalutan ng anino.


_______________________________________________________
*Isang karakter sa nobela ni Anne Rice na Queen of the Damned si Maharet.
Isa siyang dating mangkukulam na naging bampira sa kwento.

Pagsundo sa Natutulog

Lumalamig ang hangin
Sa bawat pagaspas ng pakpak ng alaga mong uwak.
Lumilinaw ang huni nito
Habang lumalalim ang nararating ko sa bangin ng pagtulog.

Nakita ko ang aking mukha sa matalim na titig
Ng mga mata ng ibong kulay uling na ginamit mo bilang tanglaw.
Ito ang nagpahinto sa akin sa pagbulusok.

Nadama ko ang pagtagos
Ng kuko nitong tila angklang bumaon sa aking laman
Bago tuluyang sumarang parang posas
Sa buto ng kaliwa kong balikat.

Napangiti ang aking mga mata
Nang pinunit ng paglantad
Ng kumikinang mong kamay ang walang hanggang karimlan.
Sinundan ito ng pagkislap
Ng nakausling bakal sa dulo ng kinakapitan mong tungkod.

Walang kapangyarihan sa’yo ang Panahon.
Walang nabago mula sa huli nating pagtatagpo:
Ang binti, ang dibdib, ang mukha at ang leeg
Na katulad ng perlas sa kulay at kinis.
Ang mga matamlay na matang tinta ang niluluha,
Ang bungong maskarang nakalapat sa kanang bahagi
ng nakakubling mukha.

Umihip ang hangin.
Natabunan ng buhok mong sindilim ng langit sa gabi
Ang ngisi mong sinliwanag kanina ng buwan.
Ang buhok mo, sa payo ng bumubulong na hangin, ang nagdidikta
Kung kailan lilitaw at mawawala ang iyong pisngi.

Napagod ang hangin.
Hawak mo, gamit ang parehong kamay, ang tungkod
At ginamit ang bakal sa dulo nito upang gumuhit ng sugat
Sa balat na nagsisilbing damit ng aking mga tadyang.

Naging bahagi tayo ng isa’t isa
Nang ibalot mo ako sa itim mong balabal.
Nadama ko ang malamig mong yakap
Na matagal nang inaasam ng bangkay kong buhay.
Dinama ko sa aking palad
Ang bawat kurba at pulgada ng iyong katawan.
Napatunayan kong hindi ka ilusyon
Kahit na hindi ka umaalma sa bawat haplos.

Binibining may karit, ikaw na siyang Sundo.
Bangungot ka man kung ituring ng nakararami,
Natupad na pangarap ang pagsulyap sa iyong pag-iral para sa akin.
Habambuhay tayong mananatili sa bangin ng pagtulog.
Magtatalik nang walang patid ang mga kaluluwa nating binigkis
Magpakailanman ng buhol-buhol na mga ugat
ng mga katawan nating eternal.