Binalutan ng anino
Ang patay na rosas na inugatan na sa aking dibdib.
Matagal nang naagnas at nabulok
Ngunit mahigpit pa rin ang kapit.
Tinangkang bunutin ng kamay ng kadiliman
Ang itim na talulot na nakatanim
Ubos-lakas itong hinila ng anino
At muling nakaramdam ang lupang manhid.
Walang malay sa naganap
Ang nagbigay-lilim sa bulaklak,
Dahil walang laman ang sisidlan ng kanyang mga matang nagtatago
Sa likod ng antiparang nakalapat sa kulay marmol na balat
Ng mukhang walang bakas ng edad.
Isa siyang maputlang nilalang
Na tila walang buhay
At ang pulang buhok lamang ang dinadaluyan ng dugo,
Dugong nais kong ipainom niya sa akin
Matapos niyang tuyuin ang aking mga ugat.
Ito lang ang paraan
Upang makamit ang habambuhay na sumpa
Kasama siya
At makawala sa pagkakagapos
Ng patay na rosas
Na binalutan ng anino.
_______________________________________________________
*Isang karakter sa nobela ni Anne Rice na Queen of the Damned si Maharet.
Isa siyang dating mangkukulam na naging bampira sa kwento.
No comments:
Post a Comment