Wednesday, September 29, 2010

Tulagalag: Ang Smiley

Ang Smiley

Nabasa ko kung saan na:
“A smile is a curved line
that sets things straight.”

Dalawang tuldok na nagsisilbing mata,
at isang kurbadang nakaguhit, bilang labi,
sa loob ng dilaw na bilog

ang tinubuan ng katawang-lupa
at 3D na mukhang
may apat na matang bulag

at isang bungangang nag-islogan:
“Kung walang kurap, walang mahirap,
Pagbabago, for Ma and Pa, Now na,

Tama na’ng Mendiola Massacre intriga,
Let’s forget Hacienda Luisita,
Basta, I’ll do something ‘bout Gloria.”

Ngiti nang ngiti sa Kapamilyang umawit:
“P-N-O-Y means smile!” kahit na
napagkamalang siraulo ang kandidato nilang

nanalo. Naging bituin sa takilya:
ultimo pagkain ng hotdog ng may hotdog
ay itinuring na pangunahing balita.

Nasa sariling wika ang unang SONA
ng napakamakabayang Smiley,
na minalaki ng Kapamilyang umawit,

at ng iba pang nananalig sa liwanag
ng dilaw na haring palaging nakangiti
sa gitna ng anumang pagsubok,

o itinuturing niyang pagsubok bagamat
malinaw namang kapalpakan sa pamumuno.
Ngisi, kung hindi hilik, ang naging tugon niya

sa nagpoprotestang mga estudyanteng hindi makapag-aral,
sa nakikibakang mga magsasakang walang lupang mabungkal,
sa mga manggagawang pinapaslang ng neoliberal

na mga polisiyang pinatutupad niya, nang may ngiti.
Ganito niya rin itinuring ang karumaldumal na
hostage crisis sa Quirino Grandstand,

kaya’t nagngalit ang mga instik
sa mga migranteng nasa kanilang poder
dahil walang disenteng trabaho sa bayan

Ni Smiley na nanawagang: “Huwag nang magsisihan,
Mga kapwa Pilipino. At pakinggan natin ang isa’t isa
nang malutas natin ang ating mga problema.”

Pero si Smiley itong hindi nakikinig.
Bakit? Ganito. Pansining mabuti: Walang tainga
ang mga smiley. Wala sila kundi

dalawang tuldok lang na nagsisilbing mata,
at isang kurbadang nakaguhit, bilang labi,
sa loob ng dilaw na bilog.

Narinig ko sa isang banda:
“If ignorance is bliss,
then knock the smile off my face.”





No comments:

Post a Comment