Lumalamig ang hangin
Sa bawat pagaspas ng pakpak ng alaga mong uwak.
Lumilinaw ang huni nito
Habang lumalalim ang nararating ko sa bangin ng pagtulog.
Nakita ko ang aking mukha sa matalim na titig
Ng mga mata ng ibong kulay uling na ginamit mo bilang tanglaw.
Ito ang nagpahinto sa akin sa pagbulusok.
Nadama ko ang pagtagos
Ng kuko nitong tila angklang bumaon sa aking laman
Bago tuluyang sumarang parang posas
Sa buto ng kaliwa kong balikat.
Napangiti ang aking mga mata
Nang pinunit ng paglantad
Ng kumikinang mong kamay ang walang hanggang karimlan.
Sinundan ito ng pagkislap
Ng nakausling bakal sa dulo ng kinakapitan mong tungkod.
Walang kapangyarihan sa’yo ang Panahon.
Walang nabago mula sa huli nating pagtatagpo:
Ang binti, ang dibdib, ang mukha at ang leeg
Na katulad ng perlas sa kulay at kinis.
Ang mga matamlay na matang tinta ang niluluha,
Ang bungong maskarang nakalapat sa kanang bahagi
ng nakakubling mukha.
Umihip ang hangin.
Natabunan ng buhok mong sindilim ng langit sa gabi
Ang ngisi mong sinliwanag kanina ng buwan.
Ang buhok mo, sa payo ng bumubulong na hangin, ang nagdidikta
Kung kailan lilitaw at mawawala ang iyong pisngi.
Napagod ang hangin.
Hawak mo, gamit ang parehong kamay, ang tungkod
At ginamit ang bakal sa dulo nito upang gumuhit ng sugat
Sa balat na nagsisilbing damit ng aking mga tadyang.
Naging bahagi tayo ng isa’t isa
Nang ibalot mo ako sa itim mong balabal.
Nadama ko ang malamig mong yakap
Na matagal nang inaasam ng bangkay kong buhay.
Dinama ko sa aking palad
Ang bawat kurba at pulgada ng iyong katawan.
Napatunayan kong hindi ka ilusyon
Kahit na hindi ka umaalma sa bawat haplos.
Binibining may karit, ikaw na siyang Sundo.
Bangungot ka man kung ituring ng nakararami,
Natupad na pangarap ang pagsulyap sa iyong pag-iral para sa akin.
Habambuhay tayong mananatili sa bangin ng pagtulog.
Magtatalik nang walang patid ang mga kaluluwa nating binigkis
Magpakailanman ng buhol-buhol na mga ugat
ng mga katawan nating eternal.
No comments:
Post a Comment