Sa tuwing hinahagupit ng sampal
ng itinuturing kong langit,
sa iyo lamang ako sumasandig
kahit wala ka namang balikat,
o anumang buto't laman.
Nakikipagniig sa iyo sa aking pagpikit,
hanggang mahigpit akong maikandado
ng mga bisig mong sinlamig ng simoy ng hangin
sa sementeryo mong tahanang
walang nakatanglaw na liwanag.
Nagdirilim ang nagdedeliryo kong paningin,
hindi dulot ng panggagalaiti,
kundi dahil bitbit mo ang aking gunita
sa kalawakang walang hanggan ang paglawak,
kung saan walang anumang pasanin,
kung saan lumulutang maging ang mga pabigat
na biyaya ng itinuturing kong langit
na nandidilat sa panggigising sa akin,
at muli akong inaakit at hinahablot
mula sa mapagkalingang yapos
ng lilim na umiibig sa akin.
Wednesday, November 4, 2009
Subscribe to:
Posts (Atom)